Ang maganda sa isyu ng politika sa bansa, may nadadamay na usapin na bihirang masangkot sa Senate hearing. Bihirang mapag-usapan o mag-trending. Novelty. Tulad na lamang noong isang araw kung kailan tumambad ang P10 milyong halaga ng paglalathala ng aklat-pambata ni Vice President Sara Duterte.
Kailan ba huling nagkainteres ang sambayanan sa paglikha at halaga ng paglalathala ng isang aklat? Kailan ba huling masusing nagsuri ang madla at media ng aklat mula dibuho (o drawing, sa mga hindi na inabot ang matandang salitang “dibuho”), grammar, at content? Binalatan nang buhay ang aklat dahil, well, dahil bakit hindi? Buhat sa buwis natin ang P10 milyong hinihingi.
Maraming gumawa ng analohiya sa social media kung ano ang mararating ng P10 milyon. Marami. Pagkain, impraestruktura, social services.
Kung itutuon sa paglalathala ng aklat o suporta sa manunulat ang sampung milyong piso, baka nga mas malayo ang marating ng halaga. Gawing writing o publishing grants. Ilaan sa training program sa pagsusulat o pagdidibuho. O, hindi kaya, bilhin ang mga nauna nang nalathalang aklat sa mga pribadong publisher. Sigurado pa ang kalidad, maayos ang pagkakagawa, sumailalim sa editing. Matutulungan pa ang industriya, maging ang writer. Hindi iyong ang tanging pinanghahawakan para makapagsulat ng libro ay dahil naging politiko.
Maraming makakamit ang sampung milyong piso, lalo’t, sa totoo lang, mahirap magsulat at maglathala ng libro sa ating bansa.
Dahil sa bansang ito, bago ka makapaglathala ng libro, kailangan mo munang isumite ang isinulat mo sa publisher. Ipadadala nila ito sa mga evaluator. Hihintayin ang evaluation ng kung sinong inaakala ng publisher na mas nakakaalam kung maaaring ilathala ang isinulat mo o hindi. Kung papalaring tanggapin, ilang panahon pa ang hihintayin, puwedeng buwan o taon, depende sa mga mungkahi at edit, layout, at mismong pag-iimprenta: kalidad ng papel, ganda ng kulay, tinta, laki ng aklat. Dapat din may distribution system at kaunting marketing. Dapat, kahit papaano, mabawi ang ginastos sa paglalathala ng iyong isinulat; at ang manunulat, makatanggap ng royalty na pambili ng bagong sapatos. Kung aabot pa sa presyo ng bagong sapatos ang matatanggap ng awtor.
Dahil sa bansang ito, bago ka makapagsulat, kahit papaano, dapat pinag-aralan mo munang mabuti ang content at estilo ng ilalathala. Maayos din dapat ang iyong grammar at pagbabantas. Malinaw ang target na mambabasa. Akma sa demographics ang nilalaman ng libro. Kung kuwentong pambata, dapat malinaw ang edad ng target reader, umaayon sa sikolohiya ng mambabasa o karakter ng kuwento. At hindi basta-basta natututuhan ito.
Kaya nga may mga kurso sa kolehiyo at antas gradwado na tungkol lamang sa pagsusulat, tungkol lamang sa pagiging manunulat, o sa lagay ng departamentong pinagtuturuan ko sa antigong unibersidad, para maging creative writer. May kinikilalang manunulat dahil nanalo na sa mga writing contest, pinarangalan nang maraming beses. Nalathala muna sa mga antolohiya, sumali at sumalang sa mga workshop ng unibersidad. Samantala, may mga naging writer na natuto dahil sa marubdob na pagbabasa at pagtatanong sa inaakala nilang marunong ding magsulat. Nagpabasa. Nag-ambag sa mga antolohiya. Ibig sabihin, pinag-aralan din kung paano magsulat nang maayos. Wala nga lang binayarang tuition para maging manunulat.
Dahil bago ka matutong maging manunulat, marami munang maisusulat na hindi mo magugustuhan, o hindi magugustuhan ng publisher mo, o ng mambabasa mo. O ng jowa mo. May ilan ngang kakilala ko na hindi na rin gusto pang maging manunulat dahil sa dami ng stress na kinakaharap.
Dahil sa bansa natin, isang malaking biyaya at pasanin ang maglathala ng libro. Biyaya dahil kikilalanin ka, babasahin, papasok sa isip at damdamin ng mambabasa, lalo kung paslit ang babasa. Pasanin dahil maaaring hindi mo pagkakitaan ang pagsusulat ng libro. Minsan sapat lang para makapanlibre ng “isang kaibigan” sa karinderya o makapagpainom ng isa o dalawang naghihikahos na bote ng beer.
Dahil sa bansa natin, kasabay ng bumababang kalidad ng edukasyon, naghihikahos ang industriya ng libro at pagsulat ng libro. Kalaban ng libro ang dinamikong graphics at content ng internet. Idagdag pa na puwedeng mapirata ang libro at kumalat sa internet nang walang nangyaring sales, thereby na-deprive ang publisher ng kita at ang manunulat ng royalty. Pambili na nga lang ng bagong sapatos, naging ukay-ukay pa.
Hindi biro ang magsulat at maglathala ng libro sa ating bansa. Komplikado, mahabang proseso. Nakakapagod. Ang dami kong kilalang sumuko. Hindi biro ang magsulat at maglathala, unless may P10 milyon kang gagastusin na hindi sa iyo — mula sa buwis ng taumbayang harap-harapang nilulustay. – Rappler.com
Associate professor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya ang chairperson ng UST Department of Creative Writing. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. Awtor siya ng pitong libro, ang tatlo dito ay nagwagi ng National Book Awards.