Ang insanity daw o kabaliwan ay ang paulit-ulit na paggawa ng isang bagay pero umaasang magdudulot ito ng ibang resulta. ‘Yan ang psyche natin taon-taon na dumarating ang bagyo o delubyo. Evacuate. Donate. Forget. Repeat.
Nang dumaan ang typhoon Gaemi (local name Carina) sa Pilipinas, pinalala nito ang epekto ng habagat kaya’t matindi ang rainfall na dinanas ng Metro Manila at mga karatig na probinsiya.
Ang lalim ng buntong hininga (na dinig sa microphone) ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. habang nakikinig siya ng mga report tungkol sa mga binahang lugar. Puro general statistics kasi ang inirereport ng mga opisyal.
Ang sabi niya: “We need specific figures. That’s why I’m trying to assess the damage. I need to know how much help do they need. Each province is different, each region is different. This has to be a measured response simply because we cannot do anything otherwise.”
(Kailangan natin ng tiyak na mga datos. Kailangan kong malaman kung ano ang tulong na kailangan nila. Iba ang bawat probinsiya, iba ang bawat rehiyon. Dapat ay pinag-aaralang mabuti kung paano tutugon [sa sitwasyon], walang ibang paraan [ng pagtugon].)
May dahilan si Marcos na magsumikap sa disaster response. Ayon sa survey nitong Hunyo, 64% ng mga Pilipino ay “satisfied” sa pagresponde ng gobyerno sa kalamidad. Sa gitna ng dissatisfaction sa handling niya ng inflation at mataas na presyo ng mga bilihin, nais niya panatiliing masaya ang mamamayan sa handling niya ng disaster.
Lalo nang masakit para kay Marcos ang nagdaang kalamidad dahil sa katatapos lang na State of the Nation Address niya, ipinagmalaki niya na 5,500 flood control projects ang nakumpleto ng kanyang administrasyon. Anyare at Ondoy-levels daw ang baha?
Malinaw na hindi naging sapat ang paghahanda, Ginoong Marcos, at matinding test-run ang Habagat x Carina nitong Hulyo. Dead giveaway na walang abilidad magreport ang mga pinuno na nasa frontlines. Buking na wala silang abilidad na magsuri ng datos. At tila wala silang abilidad mangalap ng tamang datos.
Ang lalim din ng buntong-hininga ni NOAH Director Mahar Lagmay, na sirang plaka na sa paulit-ulit na pagsasabi sa lokal na mga pamahalaan na gamitin ang probabilistic data hazard maps sa pagpaplano para sa disaster. Isa ito sa mga dahilan bakit nangyayari ang mga trahedya tulad ng Kusiong landslide noong Oktubre 2022. (BASAHIN: Disaster in Kusiong landslides: How politics killed non-Moro IPs)
Lagi na lang na sa gitna o pagkatapos ng bagyo, kino-congratulate natin ang ating sarili dahil tumulong tayo sa mga nasalanta, na nag-donate o nag-volunteer tayo. Pero taon-taon na lang bang ganito?
Tila ang pinamatingkad na palatandaan na hindi sapat ang paghahanda: nakapanlulumo ang low utilization rate ng gobyerno ng budget nito, lalo na sa disaster mitigation.
Sa madaling salita, may pera, hindi ginastos. Hindi nailatag ang plano, o masyadong nabalahaw ng burukrasya. O walang kakayahang mamuno. At simula pa lamang ang Carina, dahil higit 20 bagyo taon-taon ang bumibisita sa Pilipinas — lalo pa ngayon at panahon ng La Niña.
Ayon sa pananaliksik ng Rappler, 1/5 ng Metro Manila ay high-risk flood zones. Isa lamang sa 100 na evacuation facilities ang permanent shelters. 60 sa 100 na evacuation center ay paaralan o basketball court.
Sabi ng sumakabilang buhay na si Jesse Robredo, na nagkamit ng Ramon Magsaysay award dahil sa pagpapalakad niya sa Naga City, hindi pagmomobilisa para sa malakas na ulan o bagyo ang kahulugan ng “disaster preparedness.” Ang tunay na paghahanda ay “disaster-proofing.”
Available na ang makabagong siyensiya at data analytics upang makalap, suriin, at ma-identify ang mga problema na unique sa bawat rehiyon. Kailangan lang ng mga eksperto, scientist, at tamang liderato na mamumuno.
Kaya, Pangulong Marcos, fire and hire — kung ‘di mo gustong bumagsak din ang approval ratings mo sa disaster response.
Ilang bagyo, lindol, at pagputok ng bulkan pa ang daraanan ng mga Pilipino bago tayo magiging “disaster-proof?” – Rappler.com