Best PR agent daw ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang sinundan niyang pangulo na si Rodrigo Duterte – hinatak pababa sa basement ni Digong ang pamantayan sa pamumuno na kahit sino pang magmamana ng trono niya ay mangangamoy mabango.
Sabi naman ng Rappler CEO na si Maria Ressa, kung nanggaling ka sa impiyerno, kahit purgatoryo ay ma-a-appreciate mo.
Sa maraming kongkretong paraan, kitang-kita ang araw-gabing pagkakaiba ni Marcos sa kanyang predecessor: mula sa tinatayang 27,000-30,000 drug war deaths, pumalo sa 400 ang nasawi dahil sa umano’y drug offenses sa ilalim ni Marcos. (Mas mahusay sana kung tuluyan nang nabura ang drug deaths.) Kung gigil na gigil na inorder ni Duterte na “shoot to kill” ang mga pasaway at durugista, si Marcos ay sibilisado at ayaw ng karahasan.
Halimbawa, kung namayagpag si Apollo Quiboloy bilang presidential best friend sa ilalim ni Digong, “best fugitive” na siya sa ilalim ni Marcos. Lumaya si Leila de Lima matapos ang pitong taong pagkakabilanggo (dahil na rin sa tibay ng loob niyang ipaglaban ang kawalan ng sala sa mga korte) at sa sunod-sunod na pagre-recant ng mga witness laban sa kanya. Umatras ang mga pekeng testigo dahil nawala ang banta sa kanilang buhay mula sa estado at nakapag-plea bargain pa ang ilan sa mga kasong kinakaharap nila.
Magkakaroon ba ng crackdown sa kriminal na POGO hubs at mabubunyag ba ang kabuktutan ng mga tulad ni Alice Guo sa ilalim ni Duterte? Siyempre hindi, dahil malapit kay Duterte si Michael Yang of Pharmally fame, at major source ng revenue ng kanyang termino ang mga POGO. (BASAHIN: Marcos’ POGO dilemma: Economic managers never backed Chinese online gambling)
Mapunta naman tayo sa West Philippine Sea kung saan talagang mabangong-mabango ang ngalan ni Marcos. Sabi nga ng editor-at-large ng Rappler na si Marites Vitug, “He has laid out a foreign policy anchored on international law, standing up to China, and gathering international support for the Philippines’ bid to uphold its sovereign rights over the West Philippine Sea.”
(Inilatag niya ang isang panlabas na polisiyang naka-angkla sa international law, pumapalag sa Tsina, at nangalap ng suportang internasyonal upang maigiit ang sovereign rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea.)
Pero malaking hamon kay Marcos – na nagbigay ng access sa US sa siyam na base militar sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement – na huwag madamay ang Pilipinas sakaling sumabog ang putukan sa rehiyon lalo na’t tumitindi ang banggaan ng mga Pinoy at Tsino sa WPS at tila nakaamba ang Tsina na bawiin ang inaangking Taiwan.
Ang malungkot, walang ganitong tibay ng paninindigan sa larangan ng ekonomiya. Ayon sa pinakahuling survey, ang nais marinig ng mga tao kay Marcos ngayong nalalapit na SONA ay kung paano niya aayusin ang runaway inflation. Hindi na talaga na-stabilize ang presyo ng bigas na pinakamalaking dahilan ng food inflation.
Sabi ng Rappler columnist na si Val Villanueva, Marcos “lacks a defining idea or narrative” sa pagpapatakbo ng ekonomiya. Tila centerpiece ang Bagong Pilipinas, pero wala raw malinaw na ganansiya lalo na para sa mga nasa laylayan.
Sabi naman ng mga environmentalist, hindi sapat ang ginawa niya – sa kabila ng lip service sa paglaban sa climate change – upang masawata ang deforestation, pollution, at climate change. (BASAHIN: We ruined protected areas, now we must save them)
Tulad ng mga sinundan niyang presidente, wala rin siyang malaking naambag sa disaster preparedness. Sa harap ng lumalalang epekto ng pagbabago ng klima, at best may response pero walang mitigation.
Wala ring nararamdamang pagbabago sa paglaban sa kahirapan, korupsiyon, kawalan ng transparency, at pagpapahusay ng public services.
At teka, may isang tinik sa lalamunan ng Pilipinas na lalo pang tumitibok sa sakit: walang umunlad, bagkus umatras pa ‘ata, ang pagsasaayos ng learning poverty. Nasayang ang dalawang taong ginugol sa ilalim ng clueless na Vice President Sara Duterte, na matapos makipag-political divorce sa kanyang ka-tandem noong eleksiyon ay nagalsabalutan mula sa Department of Education.
Para sa atin, ito ang pinakamasakit: ang mga 15-year-old na hindi makaunawa ng binabasa noong 2018, pagsapit ng 2024 ay kabilang na sa ating workforce. Hindi magtatagal, mararamdaman natin ito sa kalidad ng ating labor force at maging sa ating number one export: ang overseas Filipino workers.
Sabi ni JC Punongbayan, “Marcos has broken big promises, and the economy in his two years is just coasting along.”
Marami pang mga issue na wala na tayong espasyong banggitin – pero must read ang Marcos, the inaccessible president kung saan binusisi ng may-akda ang kawalan ng tunay na respeto ni Marcos sa press freedom.
So, anong grado ang ibibigay mo kay Marcos sa katapusan ng ikalawa niyang taon? Flying colors sa foreign policy, pero bagsak sa ekonomiya.
Para sa ating mga kababayang dumaranas ng mas malalang underemployment sa harap ng nagmamahalang bilihin, hindi kayang unahin ang paninindigan o retorika. Bituka muna, Pangulong Marcos. – Rappler.com